Sunday, 14 September 2014

Hindi Biro


"Estomo,ano ba yan?!Wala ka namang nawawalis!Pati pagwawalis,mali-mali ka."


May panibagong activity sa Filipino.Maaring ang iba sa'min ay maging barker,magtinda ng sampaguita,maglako ng kalamay,maging street sweeper,magtinda ng kandila at magbahagi ng salita ng Diyos.Naeexcite ako,kasi 'di ba?Parang ang saya lang.Ang gandang trip.Inaasam kong makuha ang pagiging barker.Matagal ko na kasing gusto maranasan 'yon.Pangatlo ako sa bilangan,at heto, na-assign ako bilang street sweeper.



Street sweeper?Ano bang unang reaksyon ko?Wala.Sa totoo lang,sa lahat ng pagpipilian,ito ang pinakaayaw ko.Parang ang boring kasi.Simple lang.Walang thrill.Gusto ko sanang makipagpalit,pero ewan ko,bukod sa bawal e parang hindi ko rin magawang ipagpalit.Ang gulo 'no?Ilang beses pa akong nagreklamo sa mga kaibigan ko.Kasi nga pakiramdam ko,boring ang nabunot ko.Pakiramdam ko, walang kaibahan 'yon sa pagwawalis ko sa tapat ng bahay namin.

Dumating ang Biyernes.Ika-12 ng Setyembre,2014.Dumiretso kami ng mga kagrupo kong sina Lizette,CH at Steph sa kapitolyo ng Trece Martires.Kasama rin namin ang aming kaklase na si Ben na siyang naging camera man. Pagdating doon, naniniwala na siguro akong swerte kami.Wala kasing masiyadong kalat kundi mga dahon lamang na naglaglagan sa mga puno.


Masaya kaming kinausap ng mga street sweeper doon. Marami sila.Si Kuya Noel nga lang ang kilala namin sa pangalan dahil siya ang nagrepresenta na magga-guide sa'min.


Bago kami mag-umpisa,biglang may ala-alang nagbalik sa isipan ko.


"Estomo,ano ba yan?!Wala ka namang nawawalis!Pati pagwawalis,mali-mali ka." Lumapit sa'kin ang adviser ko nung grade 6. Nagalit siya sa'kin dahil hindi ako marunong magwalis. Hindi ko makalimutan 'yon.Aminado ako. Napahiya ako ng mga panahong 'yon. Hindi kasi naging maganda ang tono ng pagsita niya sa'kin. 


Napaisip ako.Ewan ko kung bakit.Nakatadhana kayang mabunyag na hanggang ngayon, hindi pa rin ako marunong magwalis?


Kinuha ko ang mahabang walis.Pakiramdam ko kasi nasa Hogwarts ako.'Di ba?Ala Harry Potter lang.Nagsimula ng kumuha si Ben ng video at ako pa ang nagbigay ng introduksyon.


Ayan na..Magwawalis na.Alam kong palpak na naman ako e.Nararamdaman ko, at...


TADA! Mali na naman ang hawak ko sa walis.Tinuruan ako ni Kuya Noel.Pero ngayon, hindi ako nakaramdam ng hiya.Natatawa na lang ako sa sarili ko. Grade 6? 2nd year college?Ang haba na ng panahong lumipas pero hanggang ngayon,palpak pa rin ako sa pagwawalis. 


Ilang minuto ang lumipas, naging komportable na rin ako sa mahabang walis. Ano nga ulit ang sabi ko? Boring.Walang thrill. Kamusta naman ang hirap? 


Oo nga't puro dahon lang ang kalat. Pero ang hirap pa rin pala. 'Yung hangin na paulit-ulit umiihip sa mga dahong naipon mo na. 'Yung init ng araw na tumatagos sa long sleeves na suot ko. 'Yun ang mga bagay na kalaban ng pagiging street sweeper.


Isang oras?Tatlumpung minuto?Gaano ba kami katagal nagwalis?Saglit lang. Walang-wala sa araw-araw nilang pagwawalis pero ramdam na namin ang hirap at pagod. Kung hindi dahil sa mga tindera at mga pulis na nagbibiro sa'min, marahil mas naramdaman namin ang hirap.


Lumipat kami ng pwesto dahil malinis na doon sa isa.Pero ilang minuto lang,napasulyap ako sa unang winalisan namin.Meron na namang mga nakakalat na dahon.


Napatanong tuloy ako kay Kuya Noel. "Kuya, hindi po ba kayo nahihirapan sa pagiging street sweeper?" "Hindi.Kapag araw-araw mong ginagawa,masasanay ka na." sabi niya sabay tawa.


Tatlong taon na palang street sweeper si Kuya Noel.Okay naman daw ang sahod nila.Hindi nadedelay, pero syempre, maraming kaltas. Tinanong ko rin siya kung hindi niya ba naiisipan na lumipat ng trabaho. Ang sabi niya, hindi na.Mahirap makapasok at kahit nga sa pagiging street sweeper, maraming nag-aapply.


Masayahin si Kuya Noel. Sinusubukan kong hanapin sa mukha niya ang bahid ng kapaguran o kaya ng reklamo sa trabaho, pero wala. Masaya niyang ginagawa ang gampanin niya. Araw-araw.





Lagpas alas dose ng tanghali kami tumigil. Minungkahi rin ni Kuya Noel na kumain na kami ng tanghalian. Sinauli namin ang mga kagamitan sa lugar na pinagkuhan namin. Hindi ko mailarawan. Basta may upuan lamang doon. Naroon ang iba pang street sweepers. Ang sabi nila, alas dos ng hapon sila muling magwawalis.

Nang makita ko sila, lalo akong namangha. Ni-isa sa kanila, walang nagrereklamo. Masaya silang nabibiruan at nagtatawanan. Para silang tropa, o di kaya pamilya. Batid nilang nakakapagod ang trabaho nila, pero hindi nila ito iniinda.Bukod doon, nalaman ko ring sila pala ang nag-iispray ng anti-dengue sa mga eskwelahan tuwing weekends. O di ba?Salamt sa kanila. Iwas dengue.


Bigla akong nahiya sa sarili ko. Ano bang hinahanap ko sa gawain? Thrill? Hindi pala ganon yun.


Ang sabi nga ni Ben, "Ang hirap pala talaga sa real world."


Sa pagiging street sweeper ko ng ilang minuto, may napagtanto ako. Hindi naman mahalaga ang thrill.Dahil kung papasok ka na talaga sa real world,hindi mo na maiisip 'yon. Iba ang thrill sa realidad. Ibang-iba.


Marahil trip sa'kin ang ganito, pero trabaho ito para sa ibang tao. Hindi biro ang pagiging street sweeper.Saludo ako sa kanila.



Hindi ko makakalimutan ang araw na 'to, kaya ayan, niyaya ko silang mag-groupie.Isang ala-ala na malaki ang naging bahagi sa buhay estudyante ko.

Ilang taon na lang, papasok na rin kami sa 'real world.' Mabuti na lang at may natutunan ako sa pagiging street sweeper ko ng ilang minuto.


Bukod doon, natuto pa akong humawak ng mahabang walis. Achievement 'yon!


---

No comments:

Post a Comment